image from Google |
Ni hindi ko nga alam kung ano ang dapat kong isulat.
Pakiramdam ko, tinatangay ng bawat patak ng ulan yung emosyon na gusto kong
palutangin. Alam mo yung para kang nakakulong sa isang bagay o mahika? Nagpupumiglas
ang emosyon. Bumabaha na ng halu-halong damdamin pero hindi mo alam eh. Hindi mo
alam kung pano kumawala. Magulo. Nakalilito.
Kaya ayaw ko minsan sa ulan. Pakiramdam ko kasi ang lungkot.
Sobrang lungkot. Kapag naririnig ko ang karera ng bawat patak, parang sumisigaw
yung kaluluwa ko ng ‘sobrang unfair!’ Bakit ang ulan pwedeng bumuhos kung kelan
niya gusto? Bakit ang panahon, pwedeng maging masungit kung kelan niya maisipan
ito? Bakit ang langit pwedeng mawalan ng bughaw na kulay? Bakit ang ulap, pwede
nitong ipagsigawan ang pagod niya sa pamamagitan ng tunog at patak ng ulan?
Bakit nga ba nagiging malungkot ang tao? Bakit kailangang
malungkot ng isang taong tulad ko o tulad mo?
Alam ko naman talaga ang sagot sa tanong ko. Ang saklap di
ba? Alam ko pero hindi ko alam. Ganon naman yata. Kahit anong lohika ang ibigay
ng utak mo, alam na alam mong hahantong ka sa konklusyong may mga bagay talaga
sa mundo na walang tiyak na kasagutan. May panahon na parang maayos ito sa
pakiramdam. Pero may mga panahon,
katulad ngayon, na alam mong may mali pero hindi mo lang sigurado kung saan. Parang
may kulang. Parang may puwang na dapat mapunan.
Ano sa tingin mo?
Ang sakit sa ulo noh?
Pero kung may isang bagay akong patuloy na mamahalin sa
bawat kalabog ng mga mumunting patak, iyon ay ang kamalayang kaya ko pa
palang makaramdam. Lugkot man ito o tuwa. Pangungulila man o pagkahapo o
kapahingahan. Sa lahat ng bagay na naranasan ko nitong mga nagdaang buwan at
taon, natatakot akong mamanhid ang puso ko. Sa mga bagay na nakita ng mga mata
ko, mga kwentong paulit-ulit na narinig hindi lang ng tenga kundi ng buong
kaluluwa ko, natatakot akong pagod ng makiramdam ang puso ko.
Pero hindi. Kaya pa. pwede pa.
Tulad ng unti-unting pagtila ng ulan. Tulad ng pagtigil ng
agos ng luha. Maaari na muling punuin ang ulap. Kaya na muling tumanggap ng
puso.
No comments:
Post a Comment