Marahil ay nagtataka ang ilan kung paano nga ba nabubuo ang mga ganitong libro. Marahil din ay maraming nagtatanong kung paanong ang isang manunulat ay nakakapagtagpi-tagpi ng mga salita upang mabuo ang isang artikulong maaaring gumising, magpaiyak, magpatawa at mangusap sa puso ng mga mambabasa.
Mahirap magsimula ng isang kwento; mahirap magsimula ng isang tula at higit sa lahat, mahirap ang magsulat. Sige, paglakbayin mo ang iyong imahinasyon, hayaan mong pumasok ang iyong kaluluwa sa mga bagay na sinasabing hindi totoo; hayaan mong malunod ang iyong isipan sa mga bagay na nakikita lamang ng pangarap, nararamdaman lamang ng hangin at naririnig lamang ng katahimikan. Hayaan mong ang kumontrol sa iyong lapis ay ang munting tinig ng iyong kaibuturan. Magsimula ka doon upang mabatid mo ang kalagayan ng taong nagbigay buhay sa mga karakter na nakikilala mo ngayon sa librong ito.
Kapag nagawa mo na iyan, baka sakaling kahit minsan ay magawa mong bigyan ng konting pagkilala ang taong nasa likod ng pluma at papel. Baka sakali ring sa susunod ay mag-iisip ka muna bago mo upuan, itapon o gawing pamaypay ang mga inilalabas na dyaryo. Higit sa lahat, baka sakaling malalaman mo ang nais kong ipahiwatig kapag sinabi kong mas mabuti pang base na lang sa imahinasyon ang lahat ng nakasulat sa isang lathalain.
Minsan kasi, napakahirap makipagbuno sa katotohanan; minsan, nakakalungkot ang magsulat ng isang realidad. Kapag totoong buhay at pangyayari na ang pinag-uusapan, laging may bahid ng kalungkutan ang bawat istorya dahil hindi lahat ng kwento ay nagtatapos ng “and they lived happily ever after”.
Habang hawak mo ang librong ito, nawa’y mabatid mo ang kapangyarihan ng pluma. Habang pinipilit naming ilarawan sa iyo ang totoo sa pamamagitan ng aming imahinasyon, sana’y dumating ang araw na mabago ng librong ito ang iyong pananaw sa maraming bagay. Sana’y magising ka ng kapirasong librong ito. Kapag may nagsabi sa iyong, “uy, ubusin mo iyang nasa plato mo, maraming ‘di kumakain”, sana, ‘di na lumabas ang kasagutang “’pag inubos ko ba ‘yan, mabubusog ba sila?”
Kapag sinisitsitan, basta-basta mo na lang hinohoy o dinadabugan ang mga NATO drivers dahil marahil sa taas ng pamasahe, sana lumukob sa iyo ang realisasyong katulad mo rin silang tao na dapat irespeto; katulad mo rin silang kumakalam hindi lang ang tiyan kundi pati ang puso. Kung gaano ang pagnanais mong makapagtapos ay siya rin ang pagnanais nilang makita ang mga anak na tumanggap ng diploma.
Habang patuloy na nilalabanan ng ating bansa ang kahirapan, patuloy din kaming nakikipaglaban sa kawalang konsiderasyon sa mga mahihirap. Minsan, kapag nakakakita ako ng mga matatandang namamalimos o matatandang hanggang ngayon ay nagbabanat pa rin ng buto para sa pamilya, hindi ko maiwasang hindi mag-isip ng maraming bagay. Ayaw na ayaw ko rin sa mga balita na nagsasabing may matandang nawawala sa mall dahil iniwan ng mga anak. Kung may titindi man sa pagiging salat sa pagkain, iyon ay ang pagiging salat sa pagmamahal.
Nasasabi ko ang mga ito dahil lola’s girl ako at naipangako ko sa sarili ko na balang-araw, hindi mararansan ng mga magulang ko ang mga napapanood ko sa balita. Nakamamatay nga siguro sa pisikal na katawan ang kawalang pagkain subalit mas mahirap ang unti-unti mong nakikitang namamatay ang iyong puso.
Marahil ay ito na ang huling column ko para sa genre at kung may nais man akong maiwan sa mga mambabasa ng librong ito, iyon ay ang lakas ng panulat. At sana, sa pagkakataong mabatid mo ito, magawa mong pagsanibin ang pwersa ng realidad at ng iyong imahinasyon upang busugin ang mga kumakalam na utak.
Kapag nabasa mo ito, sana ay magkaroon ka ng matinding pagkagutom sa mga mahikang hatid ng mga tintang nakapaloob sa librong ito. Doon ka magsimula dahil alam ko na kahit bata ka, may kapangyarihan kang baguhin ang iyong lipunan sa pamamagitan ng pagsulat. Hindi na lang basta love story ito, hindi na lang ito basta tungkol sa iyong mga crush na nagpapakilig sa iyo subalit ang pagsusulat ay isang rebolusyon upang magkaroon ng pagbabago. Kung dumating ang puntong maligaw ka, bumalik ka sa pagkakataong ito kung saan makikita mo ang unang dahilan ng iyong pagsulat – at iyon ay ang maging pamatid-gutom sa mga tigang na kaisipan.
Matalino ka, magaling ka, makapangyarihan ka. Suungin mo ang mundo ko, suungin mo ang mundo naming manunulat. Hindi lahat madali, hindi lahat magugustuhan ka subalit hindi ka nabuhay at lalong hindi ka nagsusulat upang subukang gustuhin ka ng lahat. Magpatuloy ka at darating ang araw na kapag wala na ang lahat, mananatili pa rin ang iyong mga akda at ito ay patuloy na gigising at magbubukas sa isipan ng maraming mamamayan.
At iyon, iyon ang magiging pinakamatamis na tropeo at medalya mo bilang isang alagad ng pluma at papel.

No comments:
Post a Comment